Tungkol sa Proyekto
Ang proyektong Kamustahan ay isang pagtatangkang isalin at palawakin ang aming mga kolaborasyon at malikhaing interbensyon o pakikialam mula sa proyektong Curating Development patungo sa mga digital na espasyo. Nagsisilbi itong isang platform o tagpuan para maipagpatuloy ng mga artist ang kanilang mga proyekto kasama ang mga migranteng Pilipino na naudlot dahil sa pandemic. Sa proyektong ito ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga artist at mga migrante na kamustahin ang isa't isa sa pamamagitan ng sama-samang paggawa ng sining at pag-curate ng mga art project at exhibition.
Nagsimula kami sa isang simpleng kamustahan. Ang pagtanong ng kamusta? (o sa mas pormal nitong spelling, kumusta) ay ginagawa upang tanungin kung ano na ang kalagayan ng isang tao, upang magparamdam at magumpisa ng kwentuhan, upang magpahayag ng pag-aalala o pagmamalasakit sa kapwa, o upang muling kumonekta at buhayin ang relasyon sa kaibigang matagal nang hindi nakakausap.
Sa mga nauna naming kamustahan, ibinahagi namin kung paano nakaapekto ang pandemya sa aming mga gawain bilang mga artist, akademiko, domestic worker, organizer, aktibista, at mga boluntaryo sa isang shelter para sa mga migrante. Tinignan namin ang potensyal ng mga digital na platform at sining sa pagtugon sa aming mga bagong pangangailangan at sitwasyon. Tiningnan namin ang mga interseksyon ng aming mga karanasan, malikhaing ideya, at kakayahan upang mag-disenyo ng mga malikhaing proyekto na tutugon sa mga limitasyon ng mga video call at digital platform kung saan nakasalalay ngayon ang pagbubuo ng migration policies tungo sa pag-unlad ng mga Pilipino sa iba't ibang parte ng mundo.
Sa pamamagitan ng mga platform na inilatag ng Kamustahan, bumubuo kami ng isang porma ng web architecture na may kakayahang magpadaloy ng mga bagong porma ng pagkalinga na ngayon ay nagambala dulot ng pandemya. Sa Hongkong, hindi na maaaring magtipon sa mga pampublikong lugar ang mga magkakaibigan upang kumain, sumayaw, magkwentuhan at gumawa ng sining. Sa isang shelter sa Taiwan, pinili ng mga migrante na hindi muna bisitahin ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas dahil sa posibilidad na hindi na sila papapasuking muli sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Sa London, ang mga bulnerableng migranteng manggagawa ay nag-aalangang makipag-usap at kumokenta sa kanilang mga kababayan dahil sa takot. Dahil sa limitadong access sa mga lugar kung saan nagtitipon ang mga Pilipinong migrante gaya ng simbahan, community centers at mga pampublikong espasyo, nagiging limitado rin ang kanilang oportunidad upang makatanggap ng pagkalinga mula sa kanilang mga kababayan na siyang makakatulong sana upang maiangat ang kanilang kalagayan ngayong pandemiya.
Gamit ang online curation, naglatag kami ng mga espasyo para sa mga kwentuhan at sama-samang paglikha ng sining ng mga migranteng manggagawa, mga kapamilya, artist at mga aktibista. Tinuturing namin ang paggawa ng sining hindi lamang bilang isang paraan upang kolektahin ang mga testimonya ng mga migrante para mailantad ito sa publiko, kundi bilang isang proseso kung saan kami ay malikhaing nakapaglalatag ng mga tagpuan. Sa mga tagpuang ito ay mas madali naming mapagkukwentuhan ang aming mga karanasan bilang mga migrante sa panahon ng pandemya.
Sa pagturing ng digital exchange bilang isang porma ng sining, o bilang batayan ng paglikha ng sining, ay nakapagbubukas kami ng mga bagong espasyo at tagpuan sa loob ng ng Filipino diaspora. Sa mga likhang sining na mabubuo mula sa mga espasyo na ito ay naglalayon kaming maipakita at maiparamdam ang daloy ng obligasyon, pag-asa, pagkabigo, katatagan at kalinga na nag-uugnay sa praktika at policy .